Isang Liham Para sa Mga Kababaihan ng Malolos

Paano kung ang isang lalaki mula sa hinaharap ay makapagpadala ng isang liham sa dalawampung kababaihan sa Malolos upang iulat ang kalagayan ng mga kababaihang Pilipino sa ika-21 siglo?

The Zoomer Historian
3 min readJul 2, 2023

Ika-6 ng Disyembre, 2022

Sa mga kababaihan ng Malolos,

Hindi na mahalaga pa kung sino ako. Hangad ko lamang ay magbigay ng isang maikling mensahe para sa inyo. Nakatitiyak ako na magmumukhang katatwa ang liham na ito sa inyo dahil sa isinulat ko ito mahigit isang daan at tatlumpung taon mula sa hinaharap. Sa amin ay bahagi na lamang kayo ng kasaysayan ng Pilipinas na aming pinagninilayan sa mga silid-aralan. Kayo ay nakilala naming mga kabataan dahil sa liham na inialay sa inyo ni Señor Rizal matapos niyang mabatid ang tungkol sa inyong matapang na pagtindig sa adhikaing makapagtayo ng paaralan para sa mga kapwa ninyong kababaihan.

Kay rami na ang nagbago sa Pilipinas bukod sa sumiklab na rebolusyon, pagbitay kay Señor Rizal, pagsakop ng mga Amerikano at Hapon, at ang paglaya natin mula sa mga dayuhan. Kahit nga sa ating wika ay malaki rin ang nabago, sapagkat nahaluan na ito ng mga hiram na salita mula sa Ingles. Kasabay nito, higit na naging mas mabuti ang kalagayan ninyong mga kababaihan hindi tulad sa inyong kasalukuyang sitwasyon.

Hinihangad ninyo na makapasok sa loob ng isang silid-aralan at matuto bukod sa mga aral ng Simbahang Katolika, ngunit sa aming panahon at naging mas mahigit pa kayong mga babae. Marami sa inyo ay nakapag-aral hanggang kolehiyo, at mayroong mga trabaho at negosyo na sa inyong panahon ay tanging mga lalaki lamang ang gumagawa. Marami sa inyo ang nakakapaglakbay sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na malaya. Marami sa inyo ang naging matagumpay sa buhay nang hindi nangangailangan ng kahit na anong suporta mula sa aming mga kalalakihan. Ipinakita ng inyong mga kaapu-apuhang mga babae na sila ay higit pa sa pagiging asawa at ina lamang. Katunayan nga ay marami rin sa aming mga kababaihan na masaya sa buhay bagama’t hindi sila nagkaroon ng asawa at anak. Marami rin sa inyo ang mga nakakapaglingkod sa bayan gamit ang pulitika. Katunayan nga ay dalawa sa aming presidente at tatlong bise presidente ay mga babae.

Tama si Señor Rizal nang itinuran niya sa inyo na ang edukasyon ang siyang susi sa pagunlad ng ating Inang Bayan, at kailangan ng Pilipinas ang inyong tapang, determinasyon, at talino, dahil ang mga ito ang siyang inyong magiging kasangkapan upang baguhin ang ating lipunan. Ipakita niyo sa lahat na kayo ay may silbi sa bayan, na kayo ay may kakayahang makapag-isip ng may katwiran para sa inyong mga sarili. Huwag kayong maging mangmang at bulag na maging sunud-sunuran sa mga utos ng mga mapang-abusong fraile, gaya ng payo ng butihing ginoo.

Marahil ngayon ay nagtataka kayo kung bakit pinapangaralan ko kayo ng mga kaisipang feminista gayong ako ay isang lalaki. Ito ay dahil pinalaki ako sa aming panahon kung saan itinuturo sa amin na ang babae ay hindi lamang hanggang sa loob ng bahay, na kayo ay kagaya lang din naming mga lalaki na karapat-dapat ding bigyan ng pantay na pagkakataon na maging kapakipakinabang sa ating bayan. Luma na ang ideya na kayo ay nasa mas mababang uri, at dapat na tayong magsumikap na tuluyan nang itapon ang nakadidiring paniniwalang ito.

Subalit hindi ito nangangahulugan na wala nang mga kamalian sa aming panahon. Napakarami pa ang kailangang iwasto. Nariyan pa rin ang ibang mga kababaihan na napagkakaitan ng oportunidad at minamaliit ng lipunan dahil sa kanilang kasarian. Marami pa rin ang mga mangmang at hindi nag-iisip nang pasulong. Nariyan pa rin ang mga tao na hindi pa rin handang yakapin ang mga panlipunang pagbabago na importante para sa kalayaan ng mga kababaihan mula sa mga tanikala ng patriarka. Kaya naman hindi pa natatapos ang laban, at asahan niyo na kaming inyong bagong salinlahi ang magpapatuloy nito.

Tanging ang mga ibon lamang na isinilang sa loob ng kanilang hawla ang nag-iisip na isang sakit ang paglipad. Huwag niyo nang hayaan na kayo ay ikulong pa ng lipunan, at inyong hanapin ang tunay na kapangyarihan na sa inyo ay matagal na ikinubli. Huwag kayong mapagod na magnais na matuto, sapagkat ito ang magdadala sa inyo tungo sa kalayaan.

Gumagalang,

Ginoong Silerio

--

--